Positibong resulta ng pagsusuri sa bituka - Positive bowel screening test result - Tagalog - HE2724

Reviewed
July 2024
This resource relates to the following topics:

Brief information in Tagalog for people who have received a positive bowel screening test result. The most common further investigation is a test called a colonoscopy, that checks the bowel.

Please note that orders are restricted to 50.

Download resource

Download PDF

Order resource

The full resource:

TimeToBowelScreen.nz

Positibong resulta ng pagsusuri sa bituka – ano ang mangyayari ngayon?

Positibo ang resulta ng iyong pagsusuri sa bituka na nangangahulugang may nakitang kaunting dugo sa iyong dumi (tae). Maaaring ikaw ay medyo nagaalala o nababalisa. Nauunawaan namin ito, subali't mahalagang malaman na ang positibong resulta ay hindi tiyakang nangangahulugan na mayroon kang kanser sa bituka. Ang kaunting dugo sa iyong dumi (tae) ay sanhi kadalasan ng mga polyp sa bituka (tubo), o ng iba pang mga kondisyong hindi malulubha gaya ng haemorrhoids (almuranas). Ang mga ito ay madaling gamutin.

Ano ang susunod na mangyayari?

Kakailanganin mo ng karagdagang pagsisiyasat para malaman kung ano ang sanhi ng pagdurugo. Ang pinaka-karaniwang pagsusuri para tingnan ang iyong bituka ay ang colonoscopy.

Kokontakin ka ng isang tao mula sa inyong lokal na programa sa pagsusuri sa bituka at mag-iiskedyul ng petsa para sa iyong colonoscopy. Makakapagtanong ka sa kanila tungkol sa colonoscopy. Maaari ka ring makipag-usap sa iyong doktor.

Ano ang colonoscopy?

Sa oras ng colonoscopy, direktang titingnan ng isang sadyang sinanay na doktor o nars ang lining ng iyong malaking bituka (colon), gamit ang isang napakaliit na kamera. Ang kamera ay nasa dulo ng isang manipis na naibabaluktot na tubo, na ipinapasok sa loob ng iyong bituka sa pamamagitan ng iyong tumbong (puwit). Ginagamit ang kamera para tingnan ang lining ng iyong bituka upang makita kung mayroong anumang problema.

Makikita sa colonoscopy kung may mga polyp o kanser sa bituka. Hindi kanser ang mga polyp ngunit maaaring maging kanser sa loob ng ilang taon. Kung matatagpuan ang mga polyp, karaniwang tinatanggal ang mga ito para mahadlangan ang kanser. Ang tinanggal na mga polyp ay ipapadala sa isang laboratoryo upang tingnan kung may anumang mga selula ng kanser.

Mga pito sa 10 katao na nagawan ng colonoscopy bilang bahagi ng National Bowel Screening Programme (Pambansang Programa ng Pagsusuri sa Bituka) ay mayroong mga polyp. Mga pito sa 100 katao na nagawan ng colonoscopy bilang bahagi ng programa ang matatagpuang may kanser. Hindi kukulangin sa sangkatlo ng mga natuklasang kanser ay nasa maagang yugto.

Masakit ba ito?

Natagpuan ng ilang mga tao na medyo hindi komportable ang colonoscopy. Bago gawin ang colonoscopy, bibigyan ka ng gamot na magpapaantok sa iyo at tutulong na gawing mas komportable ang colonoscopy. May isang doktor at mga nars sa kuwarto upang mag-alaga sa iyo.

Paano ako maghahanda para sa colonoscopy?

Bago gawin ang iyong colonoscopy, kailangan ay walang laman ang iyong bituka para malinaw na makita ang lining nito. Maaaring hilingan kang huwag kumain ng ilang uri ng pagkain sa mga araw bago gawin ang iyong colonoscopy. Kailangan mo ng isang espesyal na inuming panlinis ng bituka, na magpapapunta sa iyo sa toilet at malilinis ang iyong bituka. May kasamang mga tagubilin ang liham tungkol sa iyong appointment. 

Gaano katagal akong mananatili sa ospital?

Ang colonoscopy ay karaniwang tumatagal ng kulang sa isang oras, ngunit kailangang nasa ospital ka ng ilang oras.

Kakausapin ka ng isang nars o doktor bago gawin ang iyong colonoscopy at sasagutin ang anumang mga tanong na baka mayroon ka. Hihilingan kang lumagda sa isang form ng pagsangayon. Maaari kang samahan ng mga kapamilya at suportang tao bago gawin ang iyong colonoscopy.

Mahalagang huwag nang magtrabaho sa natitirang oras ng araw pagkatapos ng colonoscopy. Hindi ligtas na magmaneho o magtrabaho kung uminom ka ng gamot na nagpapaantok sa iyo.

May mga panganib ba ang colonoscopy?

Karaniwan, ang colonoscopy ay isang ligtas na pamamaraan. Gayunpaman, katulad ng karamihan sa mga pamamaraang medikal, maaaring magkaproblema kung minsan. May maliit na panganib na ang colonoscopy mismo o ang pagtanggal ng mga polyp ay magsanhi ng pagdugo o pinsala sa iyong bituka. Kung mangyayari ito, maaaring kailangan mo ng karagdagang paggamot.

Kailangan ko bang magbayad para sa colonoscopy at iba pang mga pagsusuri o paggamot?

Ang colonoscopy at anumang mga kasunod na pagsusuri o paggamot na inayos sa loob ng sistema ng pampublikong kalusugan ay libre kung ikaw ay marapat.

Paano kung hindi ako makapunta sa aking appointment?

Pakitawagan kami sa lalong madaling panahon kung hindi ka makakapunta para sa iyong colonoscopy. Gamitin ang numero ng telepono na nasa iyong liham para sa appointment. Gagawa kami ng ibang appointment para sa iyo.

Paano kung ako ay may kanser sa bituka?

Kung ikaw ay may kanser sa bituka, ire-refer ka sa isang espesyalista. Karaniwan, ang pangunahing paggamot para sa kanser sa bituka ay operasyon. Maaari ka ring mangailangan ng chemotherapy o radiotherapy.

Gaano katagumpay ang paggamot ng kanser sa bituka?

Ang mga taong nadiyagnos na may kanser sa bituka sa maagang yugto nito ay may mas malaking tsansa na magagamot ito nang matagumpay. Kung ang kanser ay natagpuan nang hindi maaga at sa mas malubha nang yugto, mas mahirap na itong gamutin.

Para sa karagdagang impormasyon 

Para sa impormasyon sa pagiging marapat para sa pinondohang pampublikong mga serbisyong pangkalusugan, tingnan ang Health New Zealand | Te Whatu Ora website o tumawag sa 0800 924 432.

Iba pang mga wika at format

Ang polyetong ito ay available rin sa maa-access na mga format sa sumusunod na mga wika:

Te Reo Māori, Cook Islands, Samoan, Fijian, Rotuman, Kiribati, Tongan, Tuvaluan, Niuean, Tokelauan, Wikang Intsik na Ginawang Simple, Tradisyonal na wikang Intsik, Koreano, Hindi, Punjabi, Tagalog, Arabe at Burmese. 

TimeToBowelScreen.nz