Lahat ng tungkol sa pagsusuri sa bituka - All about bowel screening - Tagalog - HE2705
National bowel screening campaign brochure in Tagalog.
Please note that orders are restricted to 50.
The full resource:
Ang buklet na ito ay may impormasyon tungkol sa kanser sa bituka at pagsusuri sa bituka, upang matulungan kang magpasya kung lalahok ka sa libreng National Bowel Screening Programme (Pambansang Programa ng Pagsusuri sa Bituka).
Pagsusuri sa bituka
- Ito ay libre.
- Ang pagsusuri ay mabilis at madaling gawin sa bahay.
- Ipapadala sa iyo ang test kit tuwing dalawang taon.
- Ito ay para sa mga tao na 60-74 taong gulang.
Ang New Zealand ay may pinakamataas na antas ng kanser sa bituka sa mundo.
Kadalasan, ang kanser sa bituka ay walang mga sintomas. Tutulong ang pagsusuri sa bituka na matuklasan nang maaga ang kanser sa bituka, na kadalasan ay magagamot nang matagumpay. Maaari nitong makita ang maliliit na bahid ng dugo sa iyong dumi (tae), na maaaring isang maagang palatandaang babala na may problema.
Ang mga datos mula sa aming programa ay nagpapakita na ang pagsusuri sa bituka ay makakakita na mayroong di-kukulangin sa 7 sa 10 kanser. Hindi dumudugo sa lahat ng oras ang kanser sa bituka, kaya kung minsan, maaaring hindi makita ang kanser. Ang kanser sa bituka ay maaari ring magsimulang mabuo sa pagitan ng mga pagsusuri. Dahil sa mga ito, mahalagang magpasuri sa bituka tuwing dalawang taon at makipag-usap kaagad sa iyong doktor kung mayroon kang anumang mga sintomas ng kanser sa bituka.
Ang mga karaniwang sintomas ng kanser sa bituka ay maaaring kabilangan ng:
- pagbabago sa iyong normal na gawi sa pagdumi na nagpapatuloy sa loob ng ilang linggo.
- dugo sa iyong tae.
Bagama't ang mga sintomas na ito ay karaniwang sanhi ng iba pang mga kondisyon, mahalagang patingnan ang mga ito sa iyong doktor.
Paano gumagana ang pagsusuri
Ang madaling pagsusuring ito ay maaaring magligtas sa iyong buhay!
Ipapadala sa iyong bahay ang test kit ng pagsusuri sa bituka. Gawin ang pagsusuri sa lalong madaling panahon. Kung hindi mo gagawin ang pagsusuri sa loob ng anim na buwan, mapapaso ang kit at kailangang gumawa kang muli ng isa pang pagsusuri.
Madaling gawin ang pagsusuri sa bituka.
- Kumuha ka ng maliit na sample ng iyong dumi (tae), gamit ang ibinigay na patpat. Ibalik mo sa tube ang patpat, ilagay sa pre-paid na sobre at ihulog sa koreo pabalik sa amin.
- Ang mga madaling tagubilin kung paano gagawin ang pagsusuri ay nakalakip sa iyong kit.
- Sikaping ihulog sa koreo ang iyong sample sa araw ng pagdumi, o sa kasunod na araw.
Ang iyong mga resulta
Makukuha mo ang iyong mga resulta sa loob ng tatlong linggo ng pagbabalik ng iyong pagsusuri.
Tatanggap ka ng liham tungkol sa iyong mga resulta, at maaari ka ring kontakin ng iyong doktor o nars.
Kung hindi mo nakuha ang iyong mga resulta sa loob ng tatlong linggo, mangyaring tawagan kami sa 0800 924 432 o mag-email sa info@bowelscreening.health.nz
Negatibong resulta ng pagsusuri
Kung negatibo ang resulta ng iyong pagsusuri, wala kang kailangang gawing anuman sa ngayon. Tiyaking gawin ang susunod mong pagsusuri kapag ipinadala ito sa iyo pagkaraan ng dalawang taon.
Magpatingin kaagad sa iyong doktor kung mayroon kang mga sintomas gaya ng pagbabago sa iyong normal na gawi sa pagdumi na nagpapatuloy sa loob ng ilang linggo, o may dugo sa iyong dumi (tae) - huwag maghintay hanggang sa susunod mong pagsusuri.
Positibong resulta ng pagsusuri
Kung positibo ang iyong pagsusuri, nangangahulugan ito na kakailanganin mo ng karagdagang pagsisiyasat. Karaniwan, ito ay isang colonoscopy. Ang positibong resulta ng pagsusuri ay hindi tiyakang nangangahulugan na mayroon kang kanser sa bituka. Ang karagdagang impormasyon tungkol sa mga positibong resulta ng pagsusuri ay matatagpuan sa TimeToBowelScreen.nz
Hindi tama para sa lahat ang pagsusuri sa bituka
Kung nilagyan mo ng tsek ang alinman sa mga box na ito, makipagusap sa iyong doktor o tawagan kami nang libre sa 0800 924 432 Maaaring hindi tama para sa iyo ang pagsusuri sa bituka.
- Mayroon akong isa sa mga karaniwang mga sintomas ng kanser sa bituka - magpatingin ka kaagad sa iyong doktor.
- Nagawan na ako ng colonoscopy sa nakalipas na 5 taon. Mangyaring tumawag para maimbitahan ka naming muli sa hinaharap.
- Ako ay nasa isang programa ng pagsubaybay sa polyp sa bituka o kanser sa bituka.
- Nagkaroon na ako ng kanser sa bituka o kasalukuyan akong ginagamot para sa kanser sa bituka.
- Napatanggal ko na ang aking malaking bituka.
- Mayroon akong aktibong ulcerative colitis o Crohn’s disease.
Ano ang kanser sa bituka?
- Ang kanser sa bituka ay tinatawag ding kanser sa colon, rectal o colorectal.
- Ang iyong bituka ay bahagi ng sistema ng pagtunaw ng pagkain. Binubuo ito ng maliit na bituka, malaking bituka (colon) at tumbong.
- Nagsisimula ang kanser sa bituka kapag ang mga selula sa bituka ay nagsimulang lumaki nang walang kontrol.
- Ang mga selula ay maaaring maging isang polyp (tubo) at ang ilang mga polyp ay maaaring maging kanser sa loob ng ilang taon.
- Maaaring tumagal nang mahabang panahon bago lumaki at kumalat ang kanser sa ibang bahagi ng katawan.
- Ang regular na pagsusuri sa bituka, para sa mga tao na walang dinaranas na anumang mga sintomas sa bituka, ay nagbibigay ng pagkakataon upang mahanap at magamot nang maaga ang kanser sa bituka.
Para sa karagdagang impormasyon
- Pumunta sa TimeToBowelScreen.nz
- Libreng pagtawag sa 0800 924 432, Lunes hanggang Biyernes 8am-6pm
- Mag-email sa info@bowelscreening.health.nz
Para sa impormasyon sa pagiging marapat para sa pinondohang pampublikong mga serbisyong pangkalusugan, tingnan ang Health New Zealand website o tumawag sa
0800 924 432
Iba pang mga wika at format
Ang polyetong ito ay available rin sa maa-access na mga format sa sumusunod na mga wika:
Te Reo Māori, Cook Islands, Samoan, Fijian, Rotuman, Kiribati, Tongan, Tuvaluan, Niuean, Tokelauan, Wikang Intsik na Ginawang Simple, Tradisyonal na wikang Intsik, Koreano, Hindi, Punjabi, Tagalog, Arabe at Burmese.